Hinihinalang Scam Hub, Naronda sa Mandaue City, Cebu: 9 Undocumented Chinese Nationals, Inaresto ng mga Pulis

4
-- ADVERTISEMENT --

MANDAUE CITY – Inaresto ang siyam na undocumented foreign nationals na pinaniniwalaang mga Chinese, sa isang raid ng mga pulisya sa pinaghihinalaan ng mga awtoridad na isa pang scam o Pogo hub, sa Barangay Alang-alang, Mandaue City, Cebu, Miyerkules ng gabi, Hulyo 2, 2025.

Ang siyam na dayuhan, na nasa pagitan ng 30 at 41, ay agad na inaresto matapos mabigo silang magpakita ng mga valid immigration documents.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jeric Filosopo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cebu Field Unit na ang operasyon ay nag-ugat sa reklamo ng isang 23-anyos na babae mula sa Barangay Kasambagan, Cebu City, na nagsasabing napilitan siyang magtrabaho sa nasabing pasilidad nang labag sa kanyang kalooban.

Sinabi rin niya na ang kanyang mahahalagang dokumento ay ipinagkait sa kanya.

Dahil dito, isinagawa ang operasyon at pagdating sa lugar, natuklasan ng pulisya ang tila cyberscam operation.

-- ADVERTISEMENT --

Narekober ng mga awtoridad ang 40 cellphones, isang tablet, 12 laptop, at siyam na desktop computers.

Dagdag pa ni Filosopo, base sa kanilang nahanap, ang pagkakaroon ng maraming computer at digital device, hinala nila na isa itong scam hub. Gayunpaman, hihingi sila ng tulong sa Anti-Cybercrime Group (ACG) para i-verify ito at isumite ang mga nasamsam na ebidensya para sa forensic examination.

Apat sa mga suspek ang nagtamo ng mga sugat sa katawan matapos tangkaing tumakas sa pag-aresto sa pamamagitan ng pagtalon sa bintana mula sa ikalawang palapag.

Nasamsam rin ng mga pulisya ng mga pekeng IDs na may mga pangalang Filipino ng mga suspek.

Iminumungkahi ng mga unang natuklasan na ang pinaghihinalaang scam operation ay tumatakbo nang hindi bababa sa limang buwan.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong katangian ng mga cyber activities na isinasagawa sa nasabing pasilidad.

Plano rin nilang mag-apply ng search warrant para masuri pa ang mga nakumpiskang digital equipment at makakalap pa ng mga ebidensya.