Sinimulan nang kumpiskahin ng Land Transportation Office – Central Visayas (LTO-7) ang mga motorsiklong walang permanente at hindi awtorisadong plaka sa rehiyon sa pinaigting na operasyon nito.
Ito ang inihayag ng ahensya sa pamamagitan ng anunsyo ni LTO-7 Regional Director Glen Galario alinsunod sa pagpapatupad ng kanilang mga roadside operations na nagtatarget sa mga motorsiklong may hindi rehistrado o delingkwenteng rehistrasyon, hindi ligtas o may sira na mga piyesa, at maling pagkakabit ng mga plaka.
Ito ay alinsunod sa pagpapahayag ng mandato ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II sa pamamagitan ng isang memorandum na inilabas noong Hunyo 16.
Sinabi ni Galario na kinakailangang kunin ng mga may-ari ng sasakyan ang kanilang mga permanenteng plaka mula sa kanilang mga opisina o mga dealer sa pinakamaaga.
Bukod dito, inihayag din ng opisyal na sisimulan ng LTO-7 Law Enforcement Officers (LEOs) kasama ang mga Deputized Agents nito ang paghuli sa mga hindi awtorisadong may hawak ng plaka.
Maaari ding suriin ng publiko ang status ng kanilang mga plaka sa pamamagitan ng LTO tracker website.
Pinayuhan din niya ang mga may improvised plates na bumisita sa opisina ng LTO para mag-apply ng kanilang replacement plates.
Umaasa ang LTO-7 sa kooperasyon ng publiko sa pagpapatupad ng mga alituntunin nito para matiyak ang ligtas na daan para sa lahat.