TALISAY CITY,CEBU- Mahigit 26,000 na sako ng hinihinalang smuggled na bigas ang nasamsam ng mga miyembro ng Anti-Agricultural Economic Sabotage (AAES) Council sa kanilang pinakaunang operasyon sa isang bodega sa Rabaya St., Barangay San Roque sa Talisay City, Cebu noong Miyerkules ng hapon, Hulyo 9, 2025.
Nasabat ng mga awtoridad sa joint operation ng AAES Council, Criminal Investigation and Detection Group 7, Department of Agriculture, PNP Maritime Group, PH Coast Guard 7, at iba pa ang mga sako ng bigas na nagmula sa Pakistan at Vietnam at nagkakahalaga ng P38-milyon.
Personal na ininspeksyon ni Frederick Go, ang Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs, ang operasyon, na aniya ay kauna-unahan sa buong Pilipinas na nagpatupad ng Republic Act 12022, o ang Anti-Agriculture Economic Sabotage Law.
Ayon kay Police Major Marlo Gabato ng Regional Maritime Unit 7 na base sa nakuha nilang impormasyon hinggil sa bodega ng smuggled rice mula sa ibang bansa sa nasabing lugar dahilan na nag-apply sila ng Letter of Authority sa DOJ para maisagawa ang raid.
Gayunman, tanging permit lamang para sa 6,000 sako ng bigas ang ipinakita sa nasabing inspeksyon kaya naman malakas ang merito ng kasong isasampa laban sa mga ilegal na aktibidad.
Tiniyak ngayon ng mga awtoridad na paiigtingin pa nila ang monitoring laban sa rice smuggling hindi lamang sa Cebu kundi sa buong Central Visayas.