LAPU-LAPU CITY,CEBU- Matagumpay na natapos ang Exercise Bantay Kadagatan 2025, isang multi-agency maritime exercise na ginanap sa Cebu partikular na sa Naval Base Rafael Ramos, Barangay Looc, Lapu-Lapu City, Cebu.
Ang 5-araw na maritime exercise, na nagsimula noong Hulyo 7 (Lunes) hanggang 11 (Biyernes), ay pinangunahan ng Naval Forces Central kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Philippine National Police – Regional Maritime Unit 7, Coast Guard District Central Visayas, Bureau of Customs Cebu, Maritime Industry Authority 7, Office of Civil Defense 7, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources 7, at the Lapu-Lapu City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Ito ay isang taunang pagsasanay sa pagitan ng mga ahensya na naglalayong pahusayin ang interoperability, bumuo ng pakikipagkaibigan, at pagbutihin ang koordinasyon ng mga kalahok na yunit upang epektibong tumugon sa mga umuusbong na banta sa kadagatan.
Ilan sa mga ginawa nilang pagsasanay ay ang Visit, Board, Search and Seizure operation, rescue and assistance, oil spill response, anti-drug trafficking, anti-smuggling, anti-illegal fishing, at iba pa.
Sa kanyang bahagi, nagbigay ng mensahe si Cebu Provincial Governor Pamela “Pam” Baricuatro bilang Guest of Honor at Speaker sa Closing Ceremony ng event, kung saan ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat sa patuloy na matapang na serbisyo ng mga law enforcement units sa pagprotekta sa kapayapaan at kaayusan ng karagatan ng Cebu, Visayas, at pambansang seguridad.