-- ADVERTISEMENT --

CEBU CITY – Ipinagtanggol ni Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga kritiko nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Archbishop Cruz, sinabi nito na sobrang nasanay ang mga Pilipino sa mga administrasyong walang nagawa kung kaya’t marami ang naipipintas ngayon sa administrasyon na sinusolusyunan ang mga problemang hindi nasolusyunan ng mga nakaraang administrasyon.

Ayon kay Cruz, nauunawaan nito ang naging mga desisyon ni Pangulong Duterte tungkol sa mga problemang kinakaharap ng bansa lalong lalo na sa nagpapatuloy na krisis sa Marawi City.

Aniya, kaya nagkaganito ang kinahantungan ng bansa dahil sa kapabayaan ng mga nakaraang administrasyon.

Mas makabubuti umano na sa halip na mangbatikos, ay lawakan na lamang ang pag-unawa dahil ginagawa naman ng pamahalaan ang tungkulin nito sa bayan.

-- ADVERTISEMENT --

Pinuri naman ni Cruz ang SONA kung saan napabilib siya sa ipinakitang sinseridad ng Pangulo sa mga binitawan nitong mga pahayag na hindi na nakalagay sa script nito.

Nilinaw nito na bagama’t hindi perpekto ang administrasyong Duterte, binigyan niya ito ng “9” na grado sapagkat para sa kanya ay nagpapakatotoo lamang sa sarili si Digong.