-- ADVERTISEMENT --

Ipinag-utos ni Cebu Provincial Governor Pamela “Pam” Baricuatro ang agarang pagpapalabas ng P80-million emergency funds mula sa Cebu Provincial Government treasury matapos makipagpulong sa mga pinuno ng lahat ng ospital na pinamamahalaan ng Cebu Provincial Government sa buong lalawigan.

Inihayag ito ng gobernadora sa isang press conference noong Huwebes, Hulyo 3 sa Cebu Capitol para agarang tugunan ang mga kahilingan ng mga ospital para sa karagdagang resources.

Ito ay gagamitin sa pagbili ng mga gamot, medical supplies, at iba pang pangangailangan ng mga ospital para mapunan ang kanilang kapasidad na makapaglingkod sa mga Cebuano.

Ayon kay Provincial Administrator Ace Durano, sa 16 na ospital na pinamamahalaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu, 10 dito ay nasa infirmary level, ibig sabihin, maliliit na problema sa kalusugan ang maaaring mabigyan ng serbisyo.

Ipinunto nila na sa ilalim ng bagong pamumuno ni Gov. Baricuatro ay target nito na itaas ang antas ng kadalubhasaan ng mga infirmary level na ospital sa level 1 para magsilbi sa mga minor surgeries gayundin sa level 1 at 2 dahil itataas ang antas ng kadalubhasaan upang hindi dumagsa sa Vicente Sotto Memorial Medical Center ang mga nangangailangan ng specialized medical procedures.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na bago bumalik sa kapangyarihan sa Kapitolyo si dating Gobernadora Gwendolyn Garcia noong 2019, naging matatag ang mga provincial at district hospitals sa Cebu sa ilalim ng administrasyon nina Hilario “Junjun” Davide III at Agnes Magpale sa kanilang programang “Health Improvement for the Development of Every Cebuano” ngunit natanggal ito matapos silang mawalan ng posisyon bilang gobernador ng Cebu.