-- ADVERTISEMENT --

CEBU CITY- Nagpapatuloy ang Search, Rescue, and Retrieval (SRR) operations kasunod ng pagguho ng lupa sa Binaliw Landfill sa Barangay Binaliw, Cebu City.

Batay sa pinakahuling datos, 67 katao ang nakaligtas, habang 12 ang nailigtas at isinugod sa ospital, binubuo ng limang lalaki at pitong babae. Isa ang kumpirmadong nasawi, samantalang 38 indibidwal ang nananatiling nawawala.

Ito ang ibinahagi ni Cebu City Councilor Joel Garganera sa isang eksklusibong panayam sa Bombo Radyo Cebu news team.

Ayon sa kanya, sa pinakabagong update kaninang umaga, tinatayang 38 katao ang pinaniniwalaang na-trap sa pagguho ng lupa bunsod ng labis na taas ng tambak ng basura sa landfill.

Kaugnay nito, inihayag ng konsehal na maaaring isailalim sa State of Emergency ang Lungsod ng Cebu, dulot ng mga posibleng pagkaantala sa koleksyon at pagtatapon ng basura, lalo’t hindi pa tumatanggap ng basura ang pasilidad sa kasalukuyan.

-- ADVERTISEMENT --

Ito ay paglatapos isumite ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Council (CCDRRMC) ang kanilang mga ulat, inaasahang magsasagawa ng emergency meeting upang talakayin ang mga agarang hakbang sa pagtugon sa pangunahing problemang kinakaharap ng lungsod.

Dagdag pa ni Garganera, humigit-kumulang 300 composite teams ang kasalukuyang naka-deploy sa lugar at patuloy na nagsasagawa ng search, rescue, at retrieval operations. Binubuo ang mga ito ng mga tauhan mula sa CCDRRMC, Bureau of Fire Protection (BFP), mga batalyon ng Philippine Army, at Philippine Coast Guard (PCG).

Samantala, ibinahagi rin ng konsehal na libu-libong metriko tonelada ng basura ang dinadala sa Binaliw Landfill araw-araw, kung saan 600 metriko tonelada ang nagmumula sa Cebu City.

Bukod dito, may apat na Local Government Units (LGUs) na nagtatapon din ng kanilang basura sa naturang pasilidad, kabilang ang Mandaue City, Lapu-Lapu City, at Consolacion.

Dahil dito, nagkakaisa ang mga LGU mula sa Hilaga at Timog ng Cebu upang maghanap at magkasundo sa posibleng pansamantalang pagtatapunan ng basura habang tinutugunan ang sitwasyon.