-- ADVERTISEMENT --

Pinalakas ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region VII ang pakikipagtulungan sa mga opisyal ng barangay upang maiwasan ang mga insidente ng pagkamatay ng mga manggagawa sa mga construction sites.

Inilunsad nito ang isang inisyatiba na tinatawag na “Barangay OSH PATROL,” na naglalayong sanayin ang mga opisyal at tanod ng barangay sa buong rehiyon patungkol sa Occupational Safety and Health.

Ang programa ay naglalayong isulong ang kamalayan at mapanatili ang kaligtasan ng mga manggagawa, lalo na ang mga nagtatrabaho sa mga maliliit na lugar ng konstruksiyon na kadalasang impormal at walang sapat na kagamitang pangkaligtasan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu Newsteam, sinabi ni Atty. Roy Buenafe, ang Regional Director ng DOLE-Region VII, nagsimula sila sa mga barangay na may mataas na insidente ng construction site-related accidents.

Ang unang pilot area na napili ay ang Barangay Lahug at Mabolo sa Cebu City, kung saan ang mga kapitan at security guard ay sinanay na kilalanin ang mga panganib, i-monitoe ang mga construction sites, at agad na magsumbong sa mga employer kung ugaling may panganib sa pagtatrabaho.

-- ADVERTISEMENT --

Layunin nito na ang bawat barangay ay dapat magkaroon ng safety watchdog, kung saan ang mga barangay tanod ay maaaring maging katuwang sa labor safety enforcement.//

Binigyang-diin nito na batay sa tala ng DOLE-7, halos 50 kaso ng aksidente ang naitala sa loob lamang ng 6 na buwan ngayong taon.//

Karamihan sa mga biktima ay mga mason, helpers, at mga freelance workers na hindi sakop ng pormal na sistema ng pagtatrabaho.//

Target nila ang problema ng mga nakabitay na mga kable ng kuryente at internet na lubhang delikado.//

Plano ng DOLE-7 na makipagsanib-puwersa sa National Telecommunications Commission at electric cooperatives para pag-usapan ang mga solusyon sa mga panganib na dulot ng overhead wires.

Matapos ang positibong feedback mula sa mga pilot areas, nakatakdang ipatupad ang Barangay OSH PATROL sa buong Central Visayas, kabilang ang Bohol, Negros Oriental, Siquijor at iba pang bayan sa Cebu.