PROVINCE OF BOHOL- Humantong sa kulungan ang isang lalaki mula sa Talibon, Bohol matapos mag-amok sa loob ng isang kilalang fast food chain sa Brgy. Tawala, Panglao, Bohol nitong Huwebes, Hulyo 3.
Sa ulat na nakalap ng Bombo Radyo, pasado alas-dos ng hapon nang pumasok ang suspek sa isang sangay ng Jollibee at biglang naging agresibo – ikinabigla at ikinaalarma ng mga crew at customer.
Ayon sa Panglao Municipal Police Station, agad na rumesponde ang dalawang tauhan ng Bohol Tourist Police Unit matapos humingi ng saklolo ang security guard ng establisyemento.
Pero imbes na kumalma, mas lalong naging bayolente ang lalaki. Hinaharass umano nito ang mga tauhan ng fast food chain at pati mga customer ay hindi rin pinalampas. Sa gitna ng kaguluhan, sinuntok pa nito ang isa sa mga pulis na nagsasagawa ng pagresponde.
Dahil dito, agad siyang inaresto at nahaharap ngayon sa kasong Direct Assault at Alarm and Scandal.
Sa panig naman ng kapulisan, tiniyak ni Police Brigadier General Redrico Maranan, hepe ng Police Regional Office 7, na sinunod ng mga rumespondeng pulis ang tamang Standard Operating Procedure (SOP) sa paghawak ng insidente.
Aniya, kanyang nirepaso ang video footage ng insidente at lumalabas na maayos ang naging pagtugon ng mga otoridad.
Dagdag pa ni Maranan, ipinagkatiwala na niya sa Bohol Provincial Police Office ang mas malalim na imbestigasyon sa naturang insidente.
Tiniyak naman ng Bohol PPO na mananatili silang nakaalalay sa publiko, lalo na sa mga turista, para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.