-- ADVERTISEMENT --

LAPU-LAPU CITY,CEBU- Opisyal na pinangalanan ang Lapu-Lapu City bilang isa sa mga host city para sa prestihiyosong ASEAN Tourism Forum (ATF) 2026, ito ang inihayag ni Mayor Cindi Chan sa kanyang opisyal na Facebook page.

Ang anunsyo ay kasunod ng mabungang pagpupulong ni Mayor Chan at ng mga pangunahing opisyal ng National Organizing Council (NOC) upang talakayin ang patuloy na paghahanda ng lungsod.

Kung saan kasama sa mga pangunahing lugar na pinagtutuunan ng pansin ang logistik, seguridad, at iba pang mga bagay sa pagpapatakbo upang matiyak ang matagumpay na pagho-host ng internasyonal na kaganapan.

Nauna nang kinumpirma ni Tourism Secretary Christina Frasco na ang Mactan Expo Center sa Lapu-Lapu City ay itinuturing na isa sa mga pangunahing lugar para sa forum.

Binigyang-diin ni Secretary Frasco na ang pagpili ng Pilipinas na magho-host ng ATF ay sumasalamin sa pagkilala sa rehiyon ng Cebu bilang nangungunang destinasyon para sa meetings, incentives, conferences, and exhibitions(MICE).

-- ADVERTISEMENT --

Samantalang, ang Cebu ay isang magandang halimbawa ng pagkakaisa, na nagpapatunay kung ano ang maaaring mangyari kapag ang mga komunidad, negosyo, at pamahalaan ay nagsama-sama upang lumikha ng modelo ng turismo.

Ang mga preparatory meeting ay gaganapin sa Manila at Boracay, habang ang ASEAN Tourism Ministers’ Meeting ay naka-iskedyul sa lalawigan ng Cebu sa Enero 2026.