CENTRAL VISAYAS- Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang kasong isinampa laban kay dating Cebu Governor Gwendolyn Garcia kaugnay sa umano’y iregular na pag-iisyu ng Special Permit para sa desilting ng Mananga River sa Talisay City, Cebu.
Ang reklamo ay inihain ni Moises Garcia Deiparine, na iginiit na nilabag umano ni Garcia ang mga batas pangkapaligiran matapos maglabas ng permit nang hindi umano sumunod sa tamang proseso.
Kasama rin sa kaso si Anthony James C. Limchesing, General Manager ng Shalom Construction, ang kumpanyang nagsagawa ng naturang proyekto.
Batay sa desisyong may petsang Agosto 29, 2025, na pirmado ng Special Panel of Prosecutors sa Ombudsman, ibinasura ang reklamo dahil sa kawalan ng ‘probable cause’.
Una ng iginiit ng kampo ni Garcia na ang pag-apruba sa nasabing permit ay bahagi ng madaliang tugon ng lalawigan sa kakulangan ng suplay ng tubig sa Cebu noong panahon ng matinding tagtuyot sa tag-init ng 2024.