CEBU CITY – Patay ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-7 agent matapos tambangan sa bahagi ng Brgy. Perrelos, siyudad ng Carcar, Cebu nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Von Rian Tecson, 42-anyos, residente ng Barangay Napo ng nasabing lungsod.
Ayon sa kagawad ng nasabing barangay na si Jorge Nisnisan na base sa mga saksi, lulan umano ng motor ang gunman na tumabi at tumira sa sasakyan na minaneho ng agent habang pauwi na sana sa kanila.
Gumanti pa umano ng putok ang biktima sa mga gunmen kung saan tinamaan umano ang backrider ng motor at bumagsak.
Tadtad ng bala si Tecson na siyang dahilan ng kanyang agarang kamatayan, habang nadala naman kaagad sa ospital ang sugatan nitong driver na si Arnolfo Baoyaban.
Narekober sa crime scene ang hindi bababa sa 30 mga basyo ng bala habang patuloy namang iniimbestigahan ngayon ang nangyaring ambush.
Samantala, sinabi naman ng kapatid ng biktima na si SPO1 Von Tecson na nadestino naman sa Carcar Police Station na minsang naikuwento sa kanya ng kapatid na may nahuli itong bigtime drug lord at pinagbabantaan silang lahat na papatayin.
Kasama umano sa bintantaan ay ang PDEA-7 Asst. Operations Officer at dating anchorman ng Bombo Radyo Cebu na si Baby Earl Rallos.
Kung maaalala, inambush patay din si Rallos noong nakaraang buwan.
Dagdag pa ni Tecson na marami nang natanggap na death threat ang kanyang kapatid kung saan umabot pa sa punto na pinadalhan pa ito ng koron ng patay.
Habang konsenya at hustisya naman ang sigaw ng pamilya ng biktima na ngayon ay pinili munang manahimik.