CEBU CITY- Nalunod ang isang 21-anyos na fresh graduate, habang nasagip ang tatlong kasamahan matapos ma-stranded sa Budlaan Falls sa Barangay Budlaan, Cebu City noong Sabado, Hulyo 12, 2025.
Nakilala ang biktima na si Jerson Caballes, 21 taong gulang, isang fresh graduate sa kolehiyo at residente sa Barangay Kamputhaw, Cebu City.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu Newsteam kay Brgy. Captain Nerissa Antolijao ng Brgy. Budlaan, Cebu City kung saan idinetalye nito na kasama si Caballes sa kanyang mga kaibigan para pumunta at mag-hiking papuntang Mt. Kan-Irag sa Barangay Sirao sa kalapit na barangay.
Subalit nang papunta sila sa nasabing lugar, bigla nalang tumaas ang lebel ng tubig sa may sapa dahil sa malakas na pag-ulan kung kaya’t na stranded sila sa nasabing talon.
Nalaman na hindi pala marunong lumangoy ang biktima at di-umanong pinilit nitong tumawid, dahilan na nahulog ito at nalunod na sanhi ng kanyang pagkamatay.
Habang na rescue naman ang tatlong kasamahan nito sa ginawang search and rescue operation ng Bureau of Fire Protection – Special Rescue Force Central Visayas.
Nagbigay naman nang babala sa mga hiker, ang mga pulisya at lokal na opisyal lalo na sa mga kabataan, na huwag ipagpatuloy ang planong hiking kung masama ang lagay ng panahon, lalo na sa mga lugar na may umaagos na tubig.