CEBU CITY – Nabulabog ang mga residente sa bayan ng Minglanilla Cebu matapos umanong dumating sa Minglanilla Central Elementary School ang mga umano’y kidnapper ng mga bata.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Police Supt. Dexter Calacar ang hepe ng Minglanilla Police Station, sinabi nito na dumulog sa kanilang himpilan ang apat na mga studyante ng nasabing paaralan kasama ang isang guro nito upang ipaalam ang sinasabing pangingidnap ng mga bata.
Una rito, ikinwento ng mga bata na may nakatambay umano na L300 van sa tapat ng kanilang paaralan at sinabing may isang bading na bigla na lang humila sa kanila at sapilitang isasakay sana sa nasabing sasakyan.
Nakawala umano ang mga bata at agad itong tumakbo pabalik sa paaralan at nagsumbong sa guro.
Dahil dito nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis at nahuli ang anim na suspek na nakasakay sa naturang van na positibo namang kinilala ng mga bata.
Samantala pinabulaanan naman ng mga nahuli na sina Rheamay Sagmon, Estela A. Montes, James Kevie C Paradela, Marian Serenio, Reymart M. Abobo at Federico V. Dela Cruz ang alegasyon sa kanila at sinabing nagbebenta lang umano sila ng interactive material sa mga paaralan ngunit wala naman itong maipakita na company ID.
Nakatakdang sampahan ng kasong child abuse ang mga suspek at sa ngayon ay patuloy pang inaalam ang background ng mga nahuli habang patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing pangingidnap.