Mariing kinondena ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng West Philippine Sea, ang pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta na isuko ang Kalayaan Group of Islands (KGI) sa China, na aniya’y katumbas ng pagsasakripisyo sa kinabukasan ng daan-daang Pilipino ang naturang panukala.
Ito ang pahayag ni Commodore Tarriela, sa panayam ng Bombo Radyo Cebu Newsteam, kaugnay ng sinabi ni Senador Marcoleta na bukas siyang isuko ang KGI sa China.
Ayon kay Tarriela, nais niyang tugunan ang isyu hindi mula sa legal na perspektiba, kundi mula sa aspeto ng kapakanan ng mga Pilipino. Aniya, mayroong komunidad na binubuo ng mahigit 400 Pilipino sa lugar, kabilang ang mga batang nag-aaral doon, kaya’t hindi umano makatarungang isuko ang isla sa dahilang ito ay nasa labas ng exclusive economic zone (EEZ).
Dagdag pa niya, ang usapin ay hindi lamang dapat ikahon sa teknikal na depinisyon ng EEZ, kundi dapat isaalang-alang ang kinabukasan at karapatan ng mga Pilipinong naninirahan sa nasabing teritoryo.
Samantala, inamin ni Commodore Tarriela na nakaranas siya ng magkahalong emosyon kaugnay ng mga naging alitan sa pagitan niya at ni Sen. Marcoleta sa Senado, gayundin ng anak nitong kongresista sa Mababang Kapulungan. Aniya, nakakaramdam siya ng galit at lungkot dahil para sa kanya, may mga indibidwal na tila nagtataguyod ng interes ng bansang Tsina.
Gayunpaman, sinabi ni Tarriela na may positibong epekto rin ang kontrobersiya dahil ito ay nagmulat at nag-udyok sa libu-libong Pilipino na mas aktibong ipagtanggol ang soberanya ng bansa.
Binigyang-diin din niya na ilang kilalang personalidad sa larangan ng batas, kabilang si Retired Senior Associate Justice Antonio T. Carpio, ang mariing tumututol sa anumang panukalang isuko ang Kalayaan Group of Islands.











