CEBU CITY- Arestado na ang suspek sa karumal-dumal na pananaksak at pagpatay sa kanyang 66-anyos na ama nitong Biyernes, Hulyo 11, 2025, sa Sitio Alfagate, Barangay Sudlon 1, Cebu City.
Kinilala ang biktima na si Victor Llamedo Ovenario, residente ng nasabing lugar, habang ang suspek ay ang kanyang sariling anak na si Jojo Versosa Ovenario.
Nabatid na wala sa tamang pag-iisip ang suspek dahil umano sa paggamit nito ng iligal na droga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Newsteam kay Police Captain Wilmer Castillo, ang Acting-Chief sa Malubog Police Station, sinabi nito na bago pinatay ng suspek ang sariling ama, nauna na itong ipinatawag sa barangay, dahil sa reklamo ng pagnanakaw ng kanyang kapitbahay.
Dahilan, na pinagalitan umano siya ng kanyang ama dahil sa naturang insidente, na hinihinalang nagtulak sa suspek upang saktan at tuluyang patayin ang biktima.
Nahaharap ngayon si Jojo sa kasong paglabag sa Article 246 ng Revised Penal Code, o parricide, na tumutukoy sa pagpatay ng isang tao sa kanyang kaanak na malapit sa dugo, gaya ng magulang.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang makalap pa ang iba pang detalye kaugnay sa krimen.